Love in Lost Memories

Precious Jasmin
0





☽︎ 𝗟𝗢𝗩𝗘 𝗜𝗡 𝗟𝗢𝗦𝗧 𝗠𝗘𝗠𝗢𝗥𝗜𝗘𝗦 ☾︎


𝗕𝗹𝘂𝗿𝗯:

"Sa oras na bumalik ang mga alaala ko, isa lang ang nasisiguro ko. Ikaw pa rin ang pipiliin ko."

Ang tanging naaalala ni Mitzie Oquendo sa kaniyang nakaraan ay ang kaniyang pangalan at ang utang nito sa kaniyang landlady. Ngunit sa likod ng pagkawala ng kaniyang alaala ay ang pagdating naman ng isang taong gugulo sa buhay niya.

Matapos matuklasan ni Mitzie ang pinakalilihim na sikreto ni Iriz Lopez ay makikita na lamang niya ang sariling nakatali na sa mga kamay nito. Makakawala pa kaya siya sa makamandag nitong tingin o hahayaan na lang ang sarili na mahulog at magpakaalila sa babae?

Free Preview

Chapter 1


WARNING! SPG! Consists of sensitive issues such as physical ab.u.se, physical ha.rm, mu.rd.er, explicit scenes, and harmful words that are not suitable for young and not open-minded readers. Read at your own risk.

-

Kalmado ang tubig, malamig at malinis. Palubog na rin ang araw kaya may mangilan-ngilang bituin na rin sa kalangitan.

Isang babae ang naglalakad sa footbridge habang may nakapasak na earphones sa kaniyang tainga. Bahagya pa siyang kumakanta kasabay ng tugtugin na Heathens ng Twenty One Pilots.

Napatigil siya sa gitna ng footbridge nang may maaninaw na isang palutang-lutang sa ilog. Huminto pa siya sa paglalakad, tinanggal ang earphones at nilapitan ang bagay o ang kung ano man iyon.

Tiniklop niya ang itim na pantalon hanggang tuhod pati ang puting long sleeves para hindi ito mabasa bago lumusong sa ilog. Hindi naman iyon ganoon kalalim kaya hindi na siya nabahala.

Sino naman ang letchugang na magtatapon ng basura sa ilog? Mga pinoy talaga. Amp! Bulalas niya sa kaniyang isip.

Dahan-dahan siyang lumusong sa tubig at nilapitan ito. Kung kalat man iyon ay hindi ito ayos. Palaging malinis ang ilog at wala ni isa ang may karapatang magkalat dito. Kung tao man iyon ay... bahala na.

Nang mahawakan niya iyon ay dahan-dahan niya itong itinaas. Napahinto lang siya dahil sa bigat nito. Nang iikot niya ang itim na bagay na nahawakan, doon niya napagtantong isang itim na jacket pala ang nahawakan niya. Dali-dali niyang tiningnan ang isang babaeng walang malay.

"Ow gulay, Izzy. Tao 'to!" bulalas niya bago hinila ang babae sa tabi ng ilog. Inihiga niya ang katawan sa berdeng damo at saka pinakiramdaman ang pulso.

"Buhay pa ang isang 'to. Kailangan kong humanap ng tulong."

Tumingin siya sa buong paligid. Naghintay siya ng kahit na sinong dadaan na puwedeng tumulong sa kaniya, pero sa pagkadismaya niya ay wala siyang nakita. Napabuntonghininga na lang siya bago tinuong muli ang atensyon sa babae.

"Ano ngayon ang gagawin ko sa isang 'to? Hindi ako marunong mag-first aid," ani niya habang inaayos ang pula niyang buhok.

Marahas na napaubo ng tubig ang babae na ikinapitlag ni Izzy. Agad niya itong nilapitan at saka kinausap. "Uy, ayos ka lang?" tanong niya.

Lumingon ang babaeng may asul na mga mata sa kaniya. Tila ba nalilito ito at nagtataka kung nasaan siya. "Nasaan ako? Sino ka?"

Mga madalas na itanong ng mga taong nawawalan ng alaala, sa isip-isip ni Izzy.

Tinulungan niyang tumayo ang babae bago sumagot, "Izzy ang pangalan ko. Ikaw? Ano naman ang ginagawa mo at palutang-lutang ka rito sa ilog? Nag-aaral ka bang mag-floating?"

Kumunot ang noo ng babae sa naging sagot niya pero hindi na nagkomento pa tungkol doon. "Mitzie. Naalala kong tumalon ako sa isang tulay pero ang hindi ko alam ay kung bakit ko iyon ginawa."

Napatigil si Izzy saglit pero hindi pinahalata. "Ibig sabihin, nagpa.kamatay ka?" Hindi niya man ipinahahalata ay naging interesado siya sa kuwento ng babae.

"Parang ganoon na nga," sagot naman ni Mitzie habang hinihimas ang balikat. Kumikirot iyon na para bang may kumakagat na mga langgam. Masakit din ang dibdib niya dahil sa pagkakainom ng maraming tubig sa ilog.

Hindi niya alam kung ano ang nangyayari at kung bakit nandito siya sa isang hindi pamilyar na lugar. Naaalala niya ang lahat maliban na lang sa dahilan kung bakit siya tumalon sa tulay na iyon.

Noong mga oras na 'yon, malakas at marahas ang pag-alon ng tubig sa ibaba ng tulay dahil sa masamang pagkakaulan sa maghapong iyon. Kahit hindi niya kita dahil sa madilim ang paligid, dinig naman niya ang mga hampas nito... na sa oras na tumalon siya ay siguradong kama.tayan ang kahahantungan niya.

Naaalala pa niya ang buong pangyayari pero ang dahilan... hindi na niya maalala.

"Tara. Sumama ka sa 'kin sa apartment ko," pag-aya ni Izzy sa kaniya.

"Sandali! Kailangan kong umuwi. Patay ako sa landlady ko kapag hindi niya ako naabutan," ani niya habang pilit na tumatayo kahit na nahihirapan. "Baka akalain niya ay tinatakbuhan ko na siya."

Nakangising humarap si Izzy sa kaniya. "Simula ngayon, hindi ka na babalik sa landlady mo dahil sasama ka na sa 'kin. Ipakikilala kita sa buong ga.ng!" Halata sa boses niya ang excitement na ikinakunot ng noo ni Mitzie.

Bakit naman ganito siya ka-excited sa pagpapakilala sa kaniya sa ga.ng niya? Ito na ba ang tawag sa grupo ng mga magkakaibigan? Ga.ng, parang gan.gster?

Hindi man sigurado, sumunod pa rin siya. Tinahak nila ang madilim na daan papunta sa apartment ni Izzy. Wala naman siyang ibang pagpipilian. Hindi niya alam kung nasaan siya at paano makauuwi. Niligtas siya ng babae kaya mas pipiliin na lang niyang sumama sa kaniya.

Kung masama naman ang pakay sa kaniya nito ay hindi siya tutulungan ni Izzy. Baka nga nakawan lang siya o gawan ng masama bago umalis. At hindi niya alam kung magandang bagay nga ba ang umuwi dahil sinubukan niya ngang tapusin ang buhay niya.

Pagdating nila, kita niya agad kung anong klaseng lugar ito. Marumi at may mga taong nakatingin sa kanila. Ang mga bahay ay pinagtagpi-tagpi lang. May mga batang nakahu.bo at naglalaro sa lansangan, mga pasu.galan at inuman sa bawat sulok. Parang mga nagkaniya-kaniya pa sila ng puwesto para hindi agad mahuli ng parak kung nagkataon. Madali silang makatatakbo at makapagtatago.

Hindi niya mapigilang maawa sa mga bata. Maaga siyang tumayo sa sarili niya pero naramdaman niya ang pag-alaga sa kaniya ng mga magulang niya bago ito pumanaw.

Sa tingin niya ay may punto si Izzy. Dapat na siguro siyang mamuhay sa lugar na ito imbis na bumalik sa dati niyang kinagisnan. Hindi rin naman maganda ang pakikitungo sa kaniya ng mga tao roon. Baka sakaling dito ay mag-iba ‘yon. Baka rito na siya magkaroon ng pagkakataon para makapagbagong-buhay.

"Nandito na tayo,"  sabi ni Izzy.

Sinuyod niya ang buong paligid. Taliwas sa inaasahan niya, mas ayos ang lugar na ito kumpara sa mga nadaanan nila kanina.

Nakahinga siya nang maluwag. Hindi siya matutulog nang walang pinto sa gabing ito.

"Pasok," pag-aya nito sa kaniya.

Dahan-dahang sumunod si Mitzie sa kaniya. Medyo may kadiliman kasi ang paligid. Nang buksan ni Izzy ang ilaw, doon niya nakita ang kabuoan ng bahay.

May isang kahoy na lamesa sa gitna at dalawang mahabang upuan sa magkabila. Sa kanan ay ang kusina na natatakpan lang ng asul na kurtina. Sa kaliwa naman ay may CR at isang hagdan pataas. 

Wala ng ibang laman ang bahay. Walang TV, walang sofa, walang tokador at mga nakasabit sa pader. Parang walang nakatira dito kung hindi lang dahil sa mesa at mga upuan.

"Dito ako nakatira kasama ang isa pang miyembro ng ga.ng," panimula ni Izzy.

"Kayong dalawa lang? Nasaan ang parents ninyo?" tanong naman ni Mitzie.

"Nasa ibang bansa ang parents ko. Si Franxene naman ay hindi ko alam. Hindi naman siya palakuwento."

"Nabanggit mo kanina pa ang ga.ng. Ano bang ga.ng ang tinutukoy mo? May barkada ba kayo? O baka mga ga.ngster kayo?"

Napangisi si Izzy sa naging tanong niya at sinabi, "Tiyak na matutuwa ka kapag nakilala mo sila. Tama ka nga at barkada ko sila pero hindi pa ito ang tamang pagkakataon para sabihin kung anong klaseng ga.ng kami. Pero hindi kami ‘yong napapanood mo sa TV na mahilig makipag-away."

Nagkibit-balikat na lang si Mitzie at hinayaan siya. Umupo siya sa mahabang silya samantalang pumasok naman si Izzy sa kusina. Naghintay siya ng ilang sandali bago ito bumalik dala ang isang plato ng miryenda.

"Iyan lang ang maibibigay ko sa 'yo. Puwede namang kainin 'yan at hindi pa panis kaya huwag kang mag-alala," sambit niya, nakatawa dahil sa bagay na siya lang ang nakaaalam.

Hindi na siya nagdalawang isip pa at kumain na. Kanina pa kumukulo ang tiyan niya dahil sa gutom. Kung ano ang maihahain sa kaniya ay kakainin niya. Inisip na lang niya na kumakain siya ng kanin at mainit na sinigang. Hindi siya sanay na hindi kumakain ng kanin sa hapunan pero ano pa nga ba ang magagawa niya sa pagkakataong ito?

"Tutulungan kitang alalahanin ang nakaraan mo at ang dahilan kung bakit ka nagpaka.matay," sabi ni Izzy na ikinatigil niya.

"Hindi mo naman kailangang gawin 'yon. Baka maalala ko ang dahilan kung bakit ko naisip na magpaka.matay. Pakiramdam ko, hindi ko dapat malaman kung ano 'ng dahilan."

Tulad ng sabi sa kaniya ni Izzy ay halos kumpleto na ang kuwartong iyon. Para bang inaasahan talaga nila ang pagdating niya sa bahay.

Ipinagkibit-balikat na lang niya at saka nagtungo sa kamang may kalakihan para sa isang tao lang. May puting sapin, puting unan at puting kumot. May maliit na lamesa sa gilid ng kama at isang electric fan. May orasan sa itaas at ilang mga larawan ng sunset na nasa frame. May maliit na bookshelf din sa kaliwa at may ilang mga libro.

Sa tabi ng shelf ay isang mas maliit na aparador. Nang buksan niya, nakita niya ang ilang pares ng mga pantulog. Sakto iyon sa kaniya pero nagdalawang-isip pa rin siya. May mga print kasi iyon na pambata ang mga disenyo.

Hawak ang pares ng kulay puting pantulog, nagtungo siya sa maliit na CR sa kuwarto. Nabigla pa siya dahil nagkasya iyon sa itaas dahil sa liit ng bahay.

Para sa kanilang tatlo ay malaki na nga ito. Malakas din ang tulo ng tubig. Hindi na siya nagtaka pa. Nasa ibang bansa ang mga magulang ni Izzy. Sapat lang ito para masabing maayos naman ang buhay niya. Huwag lang talaga niyang maaalala ang nadaanan niya kanina.

Matapos maligo ay dumeretso na agad siya sa higaan. Komportable ang pantulog niya kumpara sa naisip niya kaya agad siyang nakatulog.

Chapter 2


Nagising si Mitzie sa sinag ng araw na tumatama sa mukha niya. Kinusot niya ang mga mata bago bumangon. Nagtungo siya sa banyo at ginawa ang dapat gawin. Nag-inat-inat pa siya bago napagpasyahang bumaba.

"Magandang umaga, Itzie! Handa na ang agahan," bungad ni Izzy sa kaniya na may malawak na ngiti.

Handa na ang agahan sa mesa at nandoon na rin si Franxene suot ang uniporme na may tatak na Escolar Mt. High. Doon pala sila nag-aaral. Ganoon din ang suot ni Izzy.

Ayon dito kay Izzy ay si Franxene ang roommate niya na madalas din namang wala sa bahay. Marami raw kasi itong part-time job kaya late itong umuuwi sa gabi. Sa umaga naman ay may klase ito gaya nila. At tuwing weekends naman ay buong araw ang shift nito sa isang convenience store.

Hindi na niya pinansin ang palayaw ni Izzy sa kaniya at nakisalo na sa hapag. Naalala niyang ngayon niya makikilala ang presidente na tinutukoy ni Izzy kahapon. Hindi niya alam kung dapat ba siyang matuwa o kabahan.

Kahit sinabi na nitong hindi sila 'yong tipo ng grupo na mahilig maghanap ng away ay nababahala pa rin siya. Hindi niya alam kung anong klaseng pakulo naman ang ginagawa nila. Hindi naman kasi talaga maganda ang reputasyon ng mga ga.ng sa lugar na kinalakihan niya.

"Nasa kama mo na ang uniporme mo," ani Izzy. "Bakit hindi ka pa nag-aayos? Maaga tayong aalis."

Napatigil si Mitzie sa pagkain dahil sa pagkalito. "Bakit? Doon na rin ba ako mag-aaral? Hindi pa nga ako nakakapag-enrol," gulantang na sabi niya. Kahapon lang naman siya dumating sa lugar na 'to.

Mahinang natawa si Izzy. "Enrolled ka na. Ako ang bahala sa 'yo!"

Sa tabi nila ay napairap lang si Franxene. Kapag talaga may gusto ang kaibigan niya ay gagawin nito ang lahat para makuha at magawa ang bagay na iyon. Walang makapipigil dito. Makikita na lang nila ang mga sariling sumasayaw sa mga palad nito.

"Mauuna na ako para sa morning patrol ko. Ikaw na bahala sa bisita mo," ani Franxene bago kinuha ang itim na backpack at sinuot sa kanang balikat.

"Ingat! Susunod na rin ako after hintayin si Mitzie."

Hindi na nag-aksa ng oras si Mitzie. Dali-dali niyang tinapos ang agahan bago naligo at nagbihis. Nakapagtataka na talaga ang pagiging handa ni Izzy. Sigurado ba siyang ito ang unang beses na magkakilala sila? Parang alam na niyang darating siya sa bahay na iyon.

Nakapanghihinala...

Malawak pa rin ang ngiti ni Izzy nang madatnan ni Mitzie. Ni hindi nga yata nagseseryoso ang taong ito. Mas lalo pang lumawak ang mga ngiti niya nang makitang pababa na siya ng hagdan.

"Kasyang-kasya sa 'yo! Tadhana nga talaga ang nagdala sa 'yo rito sa lugar namin para makasali sa ga.ng namin."

Tipid na ngiti lang ang ginawad ni Mitzie sa tinuran nito. Hindi niya kayang ngumiti nang ganoon kalawak. Pakiramdam niya ay mapipilas ang pisngi niya.

"Tara na!" Inihagis ni Izzy sa kaniya ang asul na bag na nasalo naman niya. May kabigatan iyon at may lamang libro at mga kuwaderno.

Sumunod na lang siya nang walang sinasabing kahit ano. At gaya ng kasabihan ng ilan, just go with the flow.

Sa isang tricycle lang sila sumakay papunta sa Escolar Mt. High. Muli niyang nakita ang mga batang naglalaro sa lansangan na para bang walang pinagbago simula pa kagabi. Nakaramdam siya ng awa at para bang gusto niyang ampunin na lang ang mga ito. Siya na lang ang mag-aalaga kaysa pagala-gala lang sila sa kalsada.

Pero sino nga ba siya para gawin 'yon? Ni hindi niya nga alam kung ano ang gagawin niya sa sariling buhay, may gana pa ba siyang mag-ampon?

Dumaan sila sa paakyat na bundok. Medyo umaambon pa kaya nahirapan ang tricycle. Sa kanan nila makikita ang kulay asul na karagatan. Sumikat na ang araw ngunit natatakban naman iyon ng makapal at maitim na ulap.

"Masanay ka na," ani Izzy nang mapansin kung saan siya nakatingin. "Ang mga lugar malapit sa karagatan ay palaging puntirya ng ulan at bagyo. Kaya huwag ka na magugulat kapag 'laging malakas ang ulan. Paminsan-minsan ay nagkakaroon din dito ng mga maliliit na tsunami."

Tumango na lang siya sa sinabi nito.

Ngayon lang siya nakapunta sa ganitong lugar. Hindi naman siya mahilig magbakasyon sa mga beach. Ang bakasyon niya lang ay maglaro ng Basketball kasama ang mga kaibigan niya sa plaza. Ang laki ng pinagkaiba ng lugar na ito sa syudad na kinalakihan niya. 

Nagtatakang tumingin siya sa daang tinatahak nila. Lubak na ang daan at maraming mga puno sa paligid. Kung hindi pa nadaanan ng tricycle ang malalim na putik ay hindi pa niya mapapansing parang nasa gubat na sila.

"Pasensiya na. Hanggang dito na lang ang inabot ng sasakyan ko," sabi ng drayber ng tricycle.

"Ayos lang, manong. Ito po, sa 'ming dalawa," ani Izzy sabay abot ng bayad. 

Lumabas na sila ng sasakyan. Nagbukas si Izzy ng payong para sa kanilang dalawa at saka nagsimulang maglakad.

"Ganito rin ba palagi kapag papasok ng school?" Kumunot ang noo ni Mitzie. "Lalakarin natin ang natitirang daan papunta?"

Natawa si Izzy sa tinuran niya. "Hindi naman palagi. Madalas ay habal-habal ang gamit dito para mabilis at malakas ang hatak. Parang motor lang iyon na dinisenyo para sa mga ganitong lugar."

Saglit na napatigil si Mitzie nang lumubog ang leather shoes niya. Napakunot siya ng noo. 

Natawa naman si Izzy. "Masanay ka na. Ganiyan din ako noong unang araw ko sa school. Ang mas malala pa nga ay nasubsob pa ang mukha ko sa putikan. Masuwerte ka na! May mga indoor shoes sa school natin kaya puwede kang magpalit mamaya."

Gusto sana niyang magtanong kung bakit nag-leather shoes pa siya, may indoor shoes naman palang gagamitin. Mas pinili na lang niyang itikom ang bibig niya. Ang daldal kasi nito. Nahihiya naman siyang sabihin dahil ang dami na niyang naitulong sa kaniya. Pagtitiisan na lang niya.

Hindi naman nagtagal ay nakarating na sila sa Escolar Mt. High. Nabasa niya iyon agad bago pumasok. Gawa sa bakal ang gate kaya matibay at hindi naman mukhang matitibag ng malakas na ulan at hangin. Sa katunayan, mukha itong private schools sa mga syudad. 

Nadaanan nila ang isang guard. Sa kanan nila ay may parking lot. Puro habal-habal at mga sasakyang may malalaking gulong. Dumaan sila sa isang pasilyo kung saan sa kaliwa nila ay may basketball court. Gawa sa aspalto iyon at covered.

Nang makarating sa dulo ay sa kaliwa sila lumiko. Malaking building ang paaralan. Halos kulay pink at white lang ang kulay. Sa kanan ang mga bintana ng mga silid at may ilang mga halaman sa tabi ng daan. May sari-sariling pangalan at descriptions ang mga iyon na hindi niya mabasa kung ano.

"Ito ang canteen." Tinuro ito ni Izzy sa kaliwa, katabi ng covered court. "Dito naman ang mga classroom sa kanan. Kung mapapansin mo, grupo-grupo talaga ang mga estudyante rito. May rule na ginawa ang mga estudyante na hindi alam ng may-ari ng school. Kapag wala kang grupo, isa ka sa mga outcast o nobody ka lang sa school. Kaya masuwerte kang nakilala mo 'ko!" May halong pagmamalaki sa boses nito.

"Hindi ba bawal 'yon?"

"Hindi bawal hangga't hindi alam ng mga nasa itaas. Huwag kang mag-alala, walang magsusumbong!"

"Paano ang mga outcast? Paniguradong ayaw nilang mapabilang sa grupong iyon. Paano kung magsumbong sila?"

Natawa si Izzy sa tanong niya. Inakbayan siya nito habang naglalakad. "Walang maniniwala sa kanila kaya nga sila outcasts. May nagtangka na noon pero wala namang nangyari. Pinagtulungan lang siya ng iba pa. Wala rin siyang nagawa kung hindi ang manahimik!"

Hindi niya maiwasang hindi maawa sa kung sino man iyon. Ang hirap kayang mapagtulungan lalo na kung mag-isa ka lang. Hindi mo alam kung ano ang mangyayari sa 'yo. Alam niyang mali 'yon, pero ano ang magagawa niya? Narito na siya sa 

Mabuti na lang talaga at kilala niya si Izzy. Kahit na siya naman ang nagdala sa kaniya rito.

Pumasok sila sa building. May panibagong guard roon na halatang kilala naman si Izzy. Umakyat sila sa ikalawang palapag at doon niya nakita ang mahabang pasilyo ng mga classroom. Maingay at ang daming tao.

"Nasa ikalimang pinto sina president. Tara!" Hinila na siya nito papunta sa room 219. May maliit na salamin ang pinto kaya kita niya ang loob. 

Pagbukas ni Izzy, roon na niya napansin ang sinasabi nitong grupo-grupo kanina. Madalas ay kapag babae, puro babae lang talaga ang miyembro. May ilang halo rin pero madalang.

"President!" 

Napatingin ang lahat sa kaniya dahil sa biglaan niyang pagsigaw. Sa dulo ng room ay may tatlong mga babae. Nandoon na siguro ang tinawag niyang president. Isa sa kanila ay si Franxene.

"Nandito na naman ang madaldal na 'to. Late ka 'ata ngayon?" Nagtama ang mga nakayukom nilang kamao sa isa't isa. 

Kumpara sa malawak na ngiti ni Izzy ay ngisi naman ang mayroon siya. Halos kasing tangkad niya lang na 5'7 ang taas.  Ang kaniyang itim na buhok ay naka-mushroom cut na halata ang dalawang slit sa magkabila. Mukha naman siyang presentable pero ang nakaaagaw talaga sa atensyon niya ay ang makapal niyang mga kilay.

"Na-miss mo na naman ako, Edreanne! Kung binibigyan mo sana ako ng mga lalaki mo, eh 'di sana binigyan na kita ng bagong motor!" natatawang bulalas ni Izzy sa kaniya.

"Hindi ka nga makabili ng iyo, bibigyan mo pa 'ko. Huwag na lang!" pang-aasar niya rito. Napatingin siya sa babaeng nakatayo lang sa likod ni Izzy. 

Napansin ni Izzy ang tingin ng kaibigan kaya napapalakpak siya.

"Pres, nga pala. Siya si Mitzie, iyong kinuwento ko sa 'yo kagabi sa GC." Hinila niya ito palapit sa kanila at saka sinabi, "Itzie, siya si Edreanne, ang pinakahabulin ng mga lalaki sa 'min pero mas maganda pa ako sa kaniya." 

Natawa sila sa tinuran nito. 

Humarap siya sa isa pang nakaupo at sinabi, "Siya naman si president na tinutukoy ko sa 'yo, si President Iriz. Kami ang bumubuo sa Sui.cide Ga.ng!"

Nabakas ang pagkalito sa mukha niya pero hindi na niya pinahalata. "Kinagagalak ko kayong makilala. Ako nga pala si Mitzie Oquendo. Sana maging malapit tayong lahat sa isa't isa!" nakangiting pagpapakilala niya sa lahat.

Natahimik ang grupo nila hanggang sa pinutol na ni Edreanne. "Edreanne Diamsin, bhe. Ed na lang kung nahahabaan ka. Sana nga maging malapit ka sa grupo." Inabot niya ang nakalahad na kamay nito at saka ngumiti sa kaniya.

"Iriz Lopez," tipid na sabi ng president. Sinisipat pa niya ang bago at saka nagpatuloy, "Alam mo na siguro kung ano ang mayroon sa Sui.cide Ga.ng kung sasali ka?" May mapaglarong ngiti sa makakapal niyang mga labi habang nagtatanong. Ang kulot at itim na buhok ay bahagyang natatakpan ang kaniyang mukha ngunit sapat lang para makita niya ang itim na itim na mga mata niya. Para bang buhay na buhay ang mga mata na nakakikilabot sa tuwing titingnan ka.

"Ahm..." Panakaw na tumingin siya kay Izzy na napapakamot na ng batok.

"Tungkol do'n..."

Tumingin sa kaniya ang lahat... naghihintay ng sasabihin. Nang napanguso siya ay saka naman napailing si Iriz. Napabuntonghininga na lang si Mitzie sa tabi nila. Isinukbit naman ni Edreanne ang braso niya sa kaibigan at saka ito palarong sinakal. 

"Proud na proud ka pa na nakahanap ka ng bagong miyembro pero hindi mo pa pala nasasabi kung anong ga.ng tayo!"

"Pasensiya na! Na-excite lang naman ako. Isang taon na noong huli akong sumali at hindi na tayo ulit nagkaroon ng bagong miyembro. Sorry, pres!" paghingi niya ng tawad.

Mahina lang na natawa si Iriz dahil sa kaibigan. Hinarap naman niya si Mitzie nang may seryosong tingin. May kakaibang kuryente na dumaloy sa batok niya kaya bigla siyang kinabahan. May kakaiba sa tingin niya na nagbibigay kilabot sa kahit sinong tumingin doon.

"Mananatili ka pa kaya kapag sinabi ko kung anong klaseng grupo kami?" Isang nakakikilabot na ngiti ang pumorma sa labi niya.

Chapter 3


Sama-samang kumain sa canteen ang buong ga.ng. Ayon kay Izzy, mas mainam nang sama-sama sila sa loob at labas ng campus lalo na at marami na ang nakakita kay Mitzie.


“Bakit?” tanong ni Mitzie. “Ibig sabihin, hindi na ako pwedeng gumala mag-isa? O bumili sa labas nang mag-isa?”


“Kailangan mong tiisin sa una. Bago ka pa lang sa grupo kaya marami ka pang dapat malaman. At maiintindihan mo rin ang ibig naming sabihin sa kinatagalan.”


Hindi na nagsalita pa si Mitzie. Hindi siya komportable na may kasamang kumain tuwing lunch. Bata pa lang, loner na talaga siya. Pero hindi naman siya nalulungkot. Hindi lang niya alam kung paano sasabihing mas masaya siya sa tuwing mag-isa.


Nang maka-order, naupo sila sa iisang lamesa. Ayaw na sana pansinin ni Mitzie pero marami talaga ang napapatingin sa grupo nila. Hindi niya alam na ganito pala kasikat ang grupo. Kahit na kakaunti lang sila kumpara sa ibang grupo, mas marami pa ring mga mata ang nakamasid sa kanila.


“Hindi ko alam na sikat pala ang grupo niyo,” ani Mitzie. “Hindi ako sanay dahil madalas akong mag-isa noon.”


“Naaalala mo na ang nakaraan?” tanong ni Edreanne. “Sabi ni Izzy nawalan ka raw ng alaala.”


“May parte akong naaalala gaya ng utang ko sa landlady ko o kaya naman buhay ko habang nag-aaral ako. Ang hindi ko lang talaga maalala ay ang dahilan kung bakit ako nagpaka-matay.”


“Ah, ‘yan na yata ‘yong tinatawag nilang short-term memory loss. Hayaan mo, sabi ng kakilala ko, mabilis lang ding babalik ang alaala mo. Kailangan mo lang ng oras.”


Natutop na lang ni Mitzie ang kaniyang bibig. Gaya ng sabi niya kay Izzy, may parte sa kaniya na ayaw niyang malaman. Dahil sa oras na malaman niya, maaaring matuloy na naman ang kagustuhan niyang magpaka-matay.


“I need to go.” Tumayo si Iriz pagkatapos kumain. “Just enjoy your food. May kailangan lang akong asikasuhin.”


“Ingat, Pres,” ani Edreanne.


Pinanood ni Mitzie ang presidente hanggang sa mawala ito sa paningin niya. “Palagi bang busy ang president niyo?”


“President natin,” sambit ni Izzy. “Masanay ka na. Palagi siyang nawawala sa tuwing magkakasama tayo at biglang lilitaw nang hindi mo namamalayan.”


Tumango-tango si Mitzie. Muli niyang tiningnan ang pinto kung saan lumabas si Iriz.


“Bakit hindi natin simulan sa umpisa?” ani Izzy. “Ano nga ba ‘tong ga.ng na sinasabi namin?”


Natuon ang atensyon ni Mitzie nang magsalita si Izzy. Hindi siya umimik at nanatili lang na nakikinig habang kumakain sila.


“Sui.cide ga.ng,” ani Izzy. “Ito ang tawag sa grupo namin. Naghahanap kami ng mga taong suici.dal o sila ang kusang lumalapit sa ‘min. They seek help and advice. After all, wala namang taong gustong mama.tay. Pero maraming tao ang gustong matapos na ang kung anong sakit man ang nararamdaman nila.”


Napaawang ang bibig ni Mitzie. “Parang mga bayani, gano’n?”


Mahinang natawa si Edreanne. “We’re nowhere near being called heroes. Ang tanging nagagawa lang namin ay bigyan ng advice ang kung sino man ang may kailangan nito. Nasa kanila pa rin ang huling desisyon.”


“Not everyone stays alive,” singit ni Franxene. “Some still continue ki.lling themselves. Kaya mas maaga pa lang, pag-isipan mo nang mabuti kung gusto mong manatili sa grupo.”


Tumayo si Franxene dala ang kaniyang tray at umalis matapos ang sinabi. Napakamot na lang si Edreanne at Izzy sa kanilang mga batok.


“She’s just worried about you,” ani Izzy. “Hindi pa kasi namin alam kung paano ka matutulungan dahil nga nawalan ka ng alaala.”


“I also need help, so bakit niyo ako sinasali sa grupo niyo? You should be convincing me na huwag ituloy kung ano man ang balak ko, hindi ang sumali sa grupo niyo.”


“Sino ba ang makaiintindi sa mga sui.cidal na tao kung hindi ang kapwa lang din nila, hindi ba?” ani Edreanne. “Kung may tao mang makaka-relate sa sitwasyon mo, ‘yon ang mga taong pinagdaanan o pinagdaraanan ang sitwasyon mo ngayon.”


Napaawang ang bibig ni Mitzie. “So, kayo rin…”


“Yhup!” sambit ni Izzy. “We’re survivors. Iriz saved us when we needed someone.”


Napatango si Mitzie. Sa hindi malamang dahilan, para bang nabunutan siya ng tinik sa lalamunan matapos ang mga nalaman. Para bang biglang gumaan ang dala niya sa kaniyang dibdib sa mga sinabi nila.


Hindi pa man niya alam kung ano ang dahilan kung bakit gusto niya nang mawala, ang malaman lang na may katulad siyang nakaranas nito ay nakapagpagaan na sa kaniyang dinadala.


“Marami pa tayong dapat pag-usapan,” ani Izzy. “Pero hindi sapat ang araw na ‘to para malaman ang lahat. Palagi naman tayong magkakasama kaya may oras ka pa kung sakali mang may tanong ka pa.”


“Hindi ka namin pinipilit na sumali ngayon,” ani Edreanne. “Kung hindi ka pa decided, bibigyan ka namin ng oras. Hangga’t wala ka pang desisyon, welcome ka pa rin namang sumama sa grupo.”


Napangiti si Mitzie bago nagpasalamat. Narinig na nila ang bell hudyat na tapos na ang lunch break kaya naman nagtungo na sila sa kanilang silid.


Gaya ng sabi ni Izzy ay naroon na rin si Iriz bago sila makarating. Ang kinaibahan lang ay hindi na ito nag-iisa. May kausap na itong isang babae at mukhang tutok na tutok sila sa kung ano man ang pinag-uusapan nila.


Naupo si Mitzie sa kaniyang pwesto at hindi maiwasang hindi marinig ang usapan nilang dalawa. Malapit lang din kasi ang pwesto nila sa kanilang presidente.


“What about later, four PM at my house?” tanong ng babae.


“If that’s what you want.”


“Great! I’ll see you, then.”


Kumaway ito sa presidente at dali-daling lumabas ng room nila. Kasabay naman n’on ay ang hudyat na tapos na ang kanilang lunch break.


Napatingin siya kina Izzy na mukhang hindi naman nagtataka kung sino ang babae. Pero dahil bago lang siya ay wala siyang kaide-ideya kung sino ‘yon. Baka kasi mamaya ay myembro din pala ng kanilang ga.ng.


Pero dahil hindi nag-abala sina Izzy sa kanila na ipakilala siya ay mukhang hindi naman. Mas lalo lang tuloy siyang na-curious kung sino ‘yon. Para kasing madalang mag-usap ang ibang mga estuyante maliban na lang kung nasa iisang ga.ng ang mga ito.


Ngunit may parte sa kaniya na nagsasabing baka isa ito sa mga taong gaya nila. Baka humihingi rin ito ng advice kay Iriz tungkol sa problema nito.


Napangiti si Mitzie. Parang may humaplos sa kaniyang dibdib. Isipin pa lang niya may matutulungan siya sa oras na sumali siya sa grupo ay nakapagpapalambot na sa kaniyang puso.


Ngunit hindi pa rin siya makapagdesisyon. May parte sa kaniya na hindi handa sa kung ano ang pwedeng kaharapin.


Naalala niya ang mga katagang sinabi ni Franxene kanina. Kahit na malamig ang boses nito nang sabihin ‘yon ay tumagos pa rin sa kaniya. May pagkakataon na kiniki.til pa rin ng mga tao ang kanilang buhay kahit na nakausap na nila ang ga.ng.


Isipin pa lang niyang mararanasan niya ‘yon ay para bang may pumipilipit sa kaniyang dibdib. Hindi siya makahinga nang maayos. Paano pa kaya kung mangyari na ang kinatatakutan niya? Baka hindi niya kayanin.


Matapos ang naging klase nila, muling bumalik sa alaala ni Mitzie kung paano sila nakarating sa school. Napabuntonghininga siya dahil muli na naman siyang daraan sa putikang ‘yon. 


Sabay-sabay silang umuwi nina Izzy, Franxene at Edreanne. Walang imik ang mga ito maliban kay Izzy na panay ang kwento sa kaniya. Mukhang sanay na ang mga ito at siya lang talaga itong nahihirapang maglakad nang maayos dahil lumulubog ang kaniyang sapatos.


“Hayaan mo,” ani Izzy, “pupunta tayo ng palengke bukas. Tutal ay sabado naman at walang pasok. Ibibili kita ng bota para hindi ka nahihirapan.”


“Salamat naman kung gano’n.”


“Bakit kasi sa dinamirami ng makakalimutan mo, Izzy, eh, bota pa talaga?” tanong ni Edreanne. “Pero sabagay, nakalimutan mo ngang sabihin sa kaniya kung anong klaseng grupo tayo. Hindi na rin ako nagulat.”


“Kasalanan ko na, oo na. Na-excite lang naman kasi talaga ako dahil ang tagal na noong huli akong sumali sa grupo. Matapos ‘yon, parang wala na masyadong lumalapit sa ‘tin upang humingi ng advice.”


“Dapat nga matuwa ka at wala nang lumalapit sa ‘tin para sa advice. At least wala nang nakapag-iisip na kiti.lin ang mga buhay nila.”


Tumango-tango si Izzy. “May point ka naman. Pero basta!”


Umiling na lang din si Mitzie at hindi na pinansin ang dalawa. Tinuon na lang niya ang kaniyang atensyon sa tinatahak na daan upang hindi siya madulas. Kahit na malambot ang babagsakan niya ay baka gumulong naman siya dahil pababa na ang daan.


Humakbang siya dahan-dahan at inabot ang katawan ng isang puno upang suporta. Ngunit hindi siya nakahawak sa puno nang maayos kaya nadulas ito.


Inaasahan na niya ang malambot na putikan na tatama sa kaniyang pang-upo ngunit hindi iyon nangyari.


“Are you okay?”


Napaangat siya ng tingin at doon niya nakita ang mukha ni Franxene na nakahawak sa kaniyang beywang at braso.


“Y-Yeah. I’m okay. Sorry at medyo clumsy ako.” Tumayo siya nang tuwid at pinagpag ang dulo ng damit na nadumihan.


“It’s okay.” 


Nauna na itong naglakad sa kanila at panaka-nakang tumitingin sa kaniya upang siguraduhing hindi siya ulit madudulas. Minuwestra niya kung saan dapat tumapak si Mitzie upang hindi ito ulit madulas.


“Ayos lang ‘yan,” ani Izzy. “Alam naman naming hindi ka sanay sa ganitong pamumuhay. Tiyak na sa syudad ka lumaki.”


“Masasanay ka na rin,” sambit naman ni Edreanne. “Iyon, eh, kung pipiliin mong manatili rito kahit saglit lang kung sakaling bumalik agad ang alaala mo.”


Hindi nagsalita si Mitzie dahil hindi niya alam kung ano ang pwedeng mangyari. Ayaw niyang magpadalos-dalos kaya mas mainam nang itikom ang bibig niya ngayon.

Post a Comment

0Comments

Post a Comment (0)

#buttons=(Accept !) #days=(20)

Our website uses cookies to enhance your experience. Check Now
Accept !