Karina
Wala akong ibang naririnig kun'di ang himig lang na iyon na nagmumula sa isang hindi pamilyar na tao. Para akong itinulos sa aking kinatatayuan nang dahil doon. Hindi ko na alintana ang dambuhalang osong dapat sana ay bibihagin ko. Nakatingin na ito sa akin at handa na akong sugurin anumang oras.
Tuluyan na akong nabihag ng himig na iyon, kaya naibaba ko ang baril na aking hawak... kasabay ng pagtigil ng himig. Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang makita ko ang oso na tumatakbo nang palapit sa 'kin! Hindi na ako nag-atubili pa at tumakbo na rin akong palayo. Iniwan ko na lang ang baril ko dahil naisip kong mas mahalaga ang aking buhay. Sinuong ko ang madawag na kakahuyan at hinawi ang lahat ng dahon at sangang humarang sa aking dinaraanan!
Hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa pandinig ko ang tinig na iyon. Para itong pampatulog sa aking pandinig. Kasalukuyang ginagamot ang mga sugat na natamo ko sa pagkikipagharap sa oso. Kahit na ang kaibigan kong si Jasper ay hindi pa rin ako makausap nang maayos matapos nila akong makitang kaharap ang oso.
"Karina, ano ba kasing nangyari sa Pandora at ganyan ang naging epekto sa 'yo? Parang hindi ikaw 'yong Karina na kaibigan ko," sabi niya. Tiningnan ko lang siya at hindi na nagsalita. Napakamot na lamang siya ng batok at iniwan na ako sa kwarto ko.
Ang Pandora ay lugar kung saan maraming mga kakaibang nilalang. Tulad na lang ng mga kabayo na may mahabang leeg at maliit na ulo na kung tawagin ay Direhorse. Mayroon din namang mga nilalang sa himpapawid, ang Mountain Banshees. Para lang itong ibon na malaki at may matutulis na ngipin.
Ang mga gaya ko namang hunter ay nanghuhuli ng mga nilalang na ito para pag-eksperimentuhan. Naudlot lang ang paghuli ko dahil nga sa nangyari. Wala pa akong ibang nasasabihan ng nangyari kaya naman wala silang ideya kung bakit ganito ang kilos ko.
Kasing laki lamang ng planetang Earth ang Pandora ngunit isa lamang itong buwan. May dalawa hanggang tatlo pang mga buwan ang nakapalibot dito. Habang ang mga halaman naman ay mga kulay bughaw, asul o kaya kulay ube. Ibang-iba ang Earth dito maliban na lang sa laki nito. Mas gugustuhin mo pa ang tumira na lang dito kaysa bumalik sa planetang Earth once na makapunta ka rito.
*
Makalipas naman ang ilang linggo ay naging okay na ang pakiramdam ko kaya balik sa trabaho na naman ako. Dito sa Pandora, ang mga naninirahan ay may mas mababang gravity kaya mas malaya kang makakatakbo at makakalakad.
Sumakay na kaming mga hunters sa helicopter at handa nang makipagsabakan. Nang huminto ang sasakyan ay lumabas na kaming lahat at tumakbo na sa kani-kaniya naming pwesto. Iba't iba rin ang mga nilalang na huhulihin namin kaya kailangan pa naming maghanap. Kasama ko si Jasper ngayon dahil pareho rin kami ng huhulihin. Medyo malamig ang panahon dito kaya ang kapal din ng dala namin.
Inayos ko ang mask na suot ko upang hindi maging sagabal, wala kasing oxygen sa lugar na 'to. Mawawalan kami ng malay kapag hinubad namin ito at pagkatapos ng apat na minuto ay maaari kaming malagutan ng hininga.
"Hunters Jasper and Karina, 23 degrees north-35 degrees west. Viperwolf is approaching," rinig kong sabi sa earpiece ko. Dali-dali kaming nagtungo ni Jasper sa nasabing lugar at nagtago. Kita namin mula rito ang mga Viperwolf. Gabi na ngayon kaya kailangan namin ng binocular na may night vision para makita sila nang mas maliwanag.
Para silang mga wolf sa malapitan at matutulis din ang mga ngipin nila. Kulay itim sila kaya hindi sila madaling makikita sa madilim. Maliliksi rin sila kaya once na mahuli kami, patay na. Sanay sila sa dilim kaya alam kong kapag lumabas kami sa pinagtataguan namin ay nakikita nila agad kami.
Sinenyasan ko si Jasper upang back up-an ako kaya tumango siya sa 'kin. Unti-unti naman akong lumapit sa Viperwolf at tiningnan kung aabot na ba. Pinosisyon ko na ang baril ko at nagbilang. Kinalma ko ang sarili ko, pumikit at bumuntonghininga bago ko inasinta pero ito na naman. Naririnig ko na naman ang mga himig niya. Napatigil na naman ako sa pagbaril dahil sa himig.
Sino ba siya? Bakit nagiging ganito ako? Hindi na sumusunod ang katawan ko sa gusto kong gawin. Hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari sa katawan ko.
"Hey, Karina! Ano ba 'ng ginagawa mo?" rinig kong bulong ni Jasper pero ramdam ko ang diin sa bawat salita niya.
Hindi ko siya pinansin kahit na ilang beses niya akong tinatawag. Gusto kong hanapin kung saan nanggagaling ang boses na 'yon. Hindi na ako makakatulog pa hangga't hindi ko siya nakikita. Sobrang nahihiwagaan ako sa boses niya. Napakaganda nito.
Dahan-dahan akong tumayo, hindi na pinansin pa si Jasper at hinanap ko ang kinalalagyan ng boses na iyon. Tumingin ako sa isang direksyon kung saan naririnig ko ito at hindi na ako nagdalawang-isip na puntahan ‘yon. Gusto ko siyang makita, ayoko nang maging ganito na lang na bigla-biglang nawawala sa sarili. Gusto ko na siyang harapin.
Bago ko pa maihakbang ulit ang mga paa ko ay nakita kong napagawi ang mga mata ng Viperwolf sa kinalalagyan ko. Agad akong tumakbo palayo dahil mahahabol nila akong tiyak! Ano ba 'tong ginagawa ko? Kung pinatay ko na sila kanina pa ay hindi nila ako makikita!
Kailangan ko na talagang hanapin ang boses na 'yon. Ayokong mapunta sa wala ang ginawa kong sakrispisyo.
Hinawi ko ang mga sanga na nakasabit sa puno. Takbo lang ako nang takbo pero tiniyak kong maririnig ko pa rin ang mga boses na iyon. Dinig na dinig ko ang mga alulong ng mga sumusunod sa 'kin... palakas ito nang palakas! Ibig sabihin ay palapit na sila nang palapit sa 'kin, kaya mas binilisan ko pa ang takbo ko.
Pagliko ko ay bigla akong napahinto dahil isa na itong bangin. Walang tubig sa ilalim kaya kapag tumalon ako ay hindi ko masisigurado kung mabubuhay pa ako. Muli akong tumingin sa likod ko at nakita ang mga Viperwolf na nakatingin sa 'kin. Huminto na rin sila sa kahahabol sa 'kin dahil mistulong dead end na itong napuntahan ko.
Muli akong tumingin sa ilalim ng bangin at hindi na nagdalawang-isip pa at tumalon na kasabay ang malakas kong pagsigaw. Mas pipiliin ko pang tumalon dito kaysa lapain pa ako ng mga nilalang na 'to. Pero, please! Sana hindi pa ito ang katapusan ko.
*
Napadilat na lang ako nang marinig ko ang pamilyar na boses na ‘yon pero iba na ang tono nito. Kahit na nakadilat na rin ako ay hindi ko pa rin maigalaw ang buo kong katawan. Para akong na-comatose sa lagay ko ngayon. Ang nakakapagtaka ay wala ako sa hospital o sa laboratoryo man lang. Nandito ako sa gubat. Ang daming mga insekto na lumilipad at para itong mga alitaptap.
Tiningnan ko ang buo kong katawan at ang daming sanga ang nakatusok sa 'kin. May nararamdaman akong dumadaloy sa buo kong katawan pero nakita kong isa-isa itong natatanggal. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa 'kin ngayon. Ang naalala ko lang ay ang pagtalon ko sa bangin at ang mga Viperwolf na humahabol sa 'kin.
Tiningnan ko ang paligid at napansin kong may isang babaeng may mahabang buhok at kulay berde ang nasa tabi ko ngayon. Nakatingin ito sa 'kin at hinihimas ang buhok ko. Pwede kayang, siya 'yong babaeng kumakanta?
"You're awake. Ang tagal mo nang natutulog. Kamusta na ang lagay mo?" tanong niya. Pinakiramdaman ko ang sarili ko. Wala namang masakit na kahit anong parte ng katawan ko.
"Ayos na ako. Walang masakit sa 'kin. Nasaan ako? At saka—" tanong ko at tumingin sa kanya. "—sino ka?"
Ngumiti lang siya sa 'kin at hinila ako patayo. Dinala niya ako sa isang lugar na hindi ko alam kung saan. Basta ang natandaan ko lang ay ang magagandang tanawin na nakikita ko ngayon.
"Ito ang Wisdom Tree. Ito ang pinakamalaki at ang pinakamatandang puno rito sa Pandora. Mas matanda pa ito kaysa sino man dahil bilyong taon na itong nakatayo rito. Ito ang puso ng Pandora. Ito ang pinakaiingatan ng lahat... dahil once na mamatay ito, ang buong Pandora ay babagsak na rin."
Tumingin naman siya sa 'kin nang naluluha. Naglakad siya papunta sa harap ko at nilapit ang mukha niya sa mukha ko. Hindi ko inaasahan ang gagawin niyang paghalik sa 'kin kaya hindi ako agad nakapagsalita. Parang dinadala na naman niya ako sa ibang lugar, nawawala na naman ako sa sarili ko. Ganitong-ganito ang nararamdaman ko sa tuwing naririnig ko ang boses niya na kumakanta.
Hindi pa rin niya ako binibitiwan at nararamdaman ko ang pag-angat ko sa lupa. Nakaupo na ako ngayon galing sa pagkakahiga. May mainit naman na likido ang dumaloy sa pisngi ko at sigurado akong hindi galing sa akin 'yon.
"Please—" napatigil ako dahil sa sinabi niya. "—iwan niyo na ang lugar na 'to. Hayaan niyo na kami rito. Ayoko nang may masaktan pa ni isa sa amin, please. Ang gusto lang naman namin ay katahimikan," sabi niya.
Tumango naman ako at tiningnan siya. Medyo nakakabalik na rin ako sa sarili ko. "Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para itigil ang ginagawa nila. Pangako ko 'yan," sabi ko.
Wala namang masama kung sasaliwa ako sa napagkasunduan dahil wala naman talagang kasalanan ang mga ito sa amin para saktan namin ang kahit na sino sa kanila.
Sa pagkakataong ito ay nakipag-isa ako sa isang nilalang ng Pandora. Hindi ko man alam kung tama ang ginawa ko, pero nagawa na namin ang bagay na pinakabawal sa mundo natin... ang makipagn!ig sa isang Nymph… sa isang diyosa ng kalikasan.
*
Muli akong nagising dahil sa taong yumuyugyog sa balikat ko at sa ilaw na tumatama sa mga mata ko. Nakita ko naman si Jasper na nag-aalalang nakatingin sa 'kin.
"Hey, Karina. ‘Buti na lang at nagising ka na. Dalawang araw kang nawawala at dalawang araw ka na ring natutulog simula noong makita ka namin," sabi nito.
Tinulungan niya akong makaupo sa hospital bed tiyaka ko lang napansin na nasa hospital na pala ako. Ibig ba nitong sabihin ay nakabalik na kami sa Earth? Sina sergeant kaya? Tinuloy kaya nila ang pagpatay sa mga hayop sa Pandora?
"Jasper, ano nang ginagawa nila sa Pandora?" dali-daling tanong ko sa kaniya.
"Well, nasa Pandora pa rin tayo, Karina. Hindi ko pa alam kung ano ang susunod nilang hakbang." Pagkasabi niya niyan ay tumayo na ako at tinanggal ang mga nakakabit sa braso ko. Kailangan kong malaman kung ano man ang plano nila.
"Kailangan natin patigilin ang kung anuman ang gagawin nila. Walang dapat masaktan sa mga nakatira dito. Hayop man sila o tao." Napakunot lang ang noo ni Jasper sa sinabi ko at sinundan lang ako.
"Ano ba'ng sinasabi mo? Mga hayop lang ang nakatira dito dahil wala naman silang nakitang mga tao nang nag-research sila." Napatigil ako dahil sa sinabi niya. Hindi nga pala siya tao dahil isa siyang diwata ng kalikasan.
"Paano ko ba sasabihin? Basta, kailangan kong malaman ang gagawin nila. Kailangan itigil na natin ang pangingialam ng mga tao sa lugar na 'to," sabi ko. Hinanap ko agad ang mga namamahala at kinausap sila.
"Nasan si Sgt. Alms? Gusto ko siyang makausap," tanong ko agad pagkapasok na pagkapasok ko. Umiinom siya ng kape sa harap at pinagmamasdang mabuti ang mga monitor sa harap.
"Ano'ng gusto mong pag-usapan natin?" tanong niya nang hindi man lang tumitingin sa 'kin. Nilakasan ko na ang loob ko para masabi ko sa kaniya.
"Let's stop these. Hayaan na natin ang mga nakatira dito," kalmadong sabi ko. Tiningnan naman niya ako at saka tumawa nang malakas.
"Ano ba'ng sinasabi mo? Epekto siguro 'yan ng nangyari sa 'yo. Don't worry, bibigyan naman kita ng sapat na araw para makapagpahinga bago ka bumalik sa pagtatrabaho," sabi niya sabay tapik pa ng braso ko pero hinawi ko lang iyon nang pabalang.
"Hindi niyo alam kung anong mangyayari kung sakaling ituloy niyo 'tong gagawin ninyo. Pagsisisihan n'yo lang!" sigaw ko. Kahit na alam kong matigas ang kaharap ko, pisikal man o sa loob, sinabi ko pa rin iyon.
"Don't worry. Wala pa naman akong ginawang pinagsisihan ko kaya wala kang dapat ipag-alala. Just get out," sabi nito.
Pinaharap ko siya sa 'kin pero sinuntok niya lang ako. Pinakaladkad niya ako sa mga tauhan niya kaya wala na akong nagawa. Kinulong nila ako sa isang kwarto kaya naman nawalan na lang ako ng pag-asa. May luhang tumulo sa mata ko dahil pakiramdam ko ay wala akong kwenta. Nangako ako sa kaniya na pipigilan ko sila pero hindi ko naman nagawa. Nasuntok ko na lang ang pader dahil sa inis na nararamdaman ko.
Hanggang dito na lang ba ang kaya kong gawin? Ano na kaya ang ginagawa nila sa Pandora? Just by thinking na winawasak nila ito ay para na ring tahanan ko ang nawala sa 'kin. Paano pa kaya ang mararamdaman ng mga nakatira dito?
Napaangat ang tingin ko nang marinig ko ang ilang katok sa pinto. Tumayo ako at sinilip ang kumakatok at nakita ko si Jasper na malawak ang ngiti habang winawagayway ang mga susi sa kamay. Parang nagliwanag ang paligid dahil sa nakita ko.
Sinenyasan ko agad siya na bilisan dahil naaatat na ako! Pagbukas naman nito ay dali-dali akong tumakbong palabas, nakasunod lang si Jasper sa likod ko.
"Sa pagkakaalam ko ay pinaplano lamang nila na patayin ang mga nakatira dito pero binago nila. Balak na nilang tuluyang sirain ang Pandora," sabi niya. Napatigil ako at tumingin sa kaniya. Tumango lang siya sa 'kin para makumpirma na tama ang dinig ko.
"Hindi ko alam kung bakit ganito ang inaasta mo pero sa kabila no'n ay kaibigan pa rin naman kita, kaya sa 'yo ako magtitiwala," nakangiting sabi niya. Ngumiti rin ako sa kaniya pabalik. "Mukhang tapos na ang pag-eeksperimento nila sa lugar na 'to kaya wala na silang pakialam kung ano ang mangyari."
Mas lalong kumulo ang dugo ko. Tumakbo na ako at hinanap agad ang gamit ko at sinuot ito. Kailangan ko agad mapuntahan ang Nymph.
Sinamahan ako ni Jasper upang hindi ako makilala kaya naman madali na lang akong nakalabas. Narinig ko agad ang mga sabog ng mga granada at kung anu-ano pa. Mga nagbabagsakang puno ang tumambad sa paningin ko.
Iniwan ko na si Jasper at tumakbo kung saan ako nahulog noon. Hinanap ko siya agad pero sa tingin ko ay wala na siya rito. Sira na ang lugar na 'to kaya muli akong tumakbo para hanapin siya at hindi naman ako nabigo. Nakita ko siyang nakikipaglaban sa mga taong nais sirain ang puno. Naalala ko ang mga sinabi niya, babagsak ang Pandora once na mamatay rin ito. Napatigil siya sa pakikipaglaban at tumingin sa 'kin, may mga luha na ring pumapatak sa pisngi niya kaya nilapitan ko siya agad.
Pero ang bilis ng pangyayari, halos mahilam ako sa sarili kong luha dahil sa nasaksihan ko. Nakita ko kung paano bumagsak ang puno sa kaniya. Parang tumahimik ang paligid at ang tanging narinig ko ay ang pagtawag niya sa 'kin! Tumakbo ako, kahit na nagkakandapatid-patid na ako ay tumakbo lang ako hanggang sa mahawakan ko siya ulit. Hindi maaari, nang dahil sa mga makasariling mga taong ito, nag-aagaw buhay ang taong mahal ko! Hindi ako makapaniwalang naging isa ako sa kanila noon.
Naririnig ko na rin pati ang mga iyak ng mga nilalang na pumrotekta sa puno. Hindi ko makaya ang mga naririnig ko pero sinubukan kong ituon ang pansin sa nilalang na hawak-hawak ko ngayon.
"K-Karina—" sabi niya. Kahit na hindi ko alam kung paano niya nalaman ang pangalan ko ay sinagot ko siya. Hinawakan niya ang pisngi ko kaya hinawakan ko ang kamay niya. "—kahit na anong mangyari... kahit na nangyari ang bagay na 'to... alam kong wala kang kasalanan. Gusto ko lang malaman mo na masaya ako at nakilala kita. Nararamdaman ko na ang mga paru-paro sa dibdib ko... h-hindi na ako magtatagal. Alagaan mo siyang mabuti." Pagkasabi niya nito ay nagsimula na siyang maglaho, unti-unti siyang naging paru-paro at saka lumipad palayo. Nakita ko pa ang mukha niyang nakangiti bago siya umalis.
"Paalam, aking Nimpa," sabi ko kasabay ng pagpatak ng luha ko. Yumuko ako para wala nang makakita kaya ngayon ko lang napansin ang isang dahon na parang Cocoon sa bisig ko. Parang may laman ito sa loob kaya naman hinawakan ko ito.
Naramdaman ko agad ang isang bagay na tumitibok sa loob kaya napaiyak na lang ako nang tuluyan. Sa tinagal ko na pagiging hunter ay alam ko ang bagay na ito. Isang Nimpa ang nasa loob nito... ang tagapagligtas!
Ang tanging naiwang ala-ala sa 'kin ng nimpang iyon. Pangako, aalagaan ko siya. Hindi ko man natupad ang pagligtas sa lugar na ito ay sisiguraduhin kong lalaking mabuti ang ating anak. Pangako...

