Sweet Devil (Freenbecky)

Precious Jasmin
0


"Ma’am Aris, Ma’am Anzu,” ani Toni, “bumalik po sa demon world ang inyong ama kasama ang kanang kamay nito. Ako ang itinalaga na maghatid sa inyo sa paaralan. Pasensya na sa abala." Siya ang tapat na katiwala ng pangalawang dem/on king na si Vivi.

Si Anzu, ang babaeng may kulay ginto at mahabang buhok ang ngumiti sa kaniya at saka sinabi, "Ano pong ibig mong sabihin na abala? Siyempre hindi iyon abala!" Niyakap niya si Toni bago lumapit sa kotse at sumakay.

Sa kabilang banda, si Aris na panganay ay namana ang madilim na buhok ng kaniyang ama. 

Bumaling siya sa ibang direksyon, at bumulong, "Hindi talaga iyon abala.” Kinamot niya ang kaniyang kaliwang pisngi dahil sa hiya.

"Talagang proud ako na lumaki kayo na katulad niyo ang inyong ina at hindi katulad ng inyong ama," sabi niya habang pinupunasan ang mga pekeng luha sa kaniyang mga mata.

Tiningnan nina Aris at Anzu si Toni, labis na naguguluhan.

"Ano ang ibig mong sabihin, Mang Toni?" nangangambang tanong ni Anzu.

Lahat sila ay pumasok sa kotse bago umalis. Si Aris ay nagmamasid sa labas ng bintana habang naghihintay naman si Anzu sa sagot ni Toni.

"Alam niyo, si Ma’am Hana noon ay masayahin at mabait na bata,” pagtukoy nito sa kanilang ina. “Binibigyan niya ang inyong ama ng bulaklak tuwing umaga para ipaalam na gising na siya. Pero sa huli, tinatanggihan na lang ito ng inyong ama," sabi niya na may malungkot na ngiti sa kaniyang mukha.

Napakunot ang noo ni Anzu. "Ano? Tinatanggihan lang siya ni ama?” hindi makapaniwalang sambit niya. “Pero ngayon, mahal na mahal ni ama ang mga bulaklak ni ina at siya na mismo ang nag-aalaga nito.”

"Tama ka riyan, Ma’am Anzu. Noong nagkaroon ng pagtingin si Sir Vivi kay ma’am, nagsimula siyang mag-alala para sa kaniya nang hindi niya napapansin. Pati ako, ang katiwala na nagpalaki sa kaniya, hindi rin namalayan na nagmamahalan na silang dalawa."

Napangiti si Anzu dahil sa sinabi ni Toni. "Hindi mo talaga mapapansin kapag mahal mo na ang isang tao lalo na kung ‘lagi kayong magkasama," sabi niya. 

Ngumiti lang si Toni sa kaniya at saka itinuon ang atensiyon sa pagmamaneho.

"Tsk..." sambit ni Aris sa tabi.

'Hindi mapapansin?’ sa isip nito. ‘Eh, bakit alam kong mahal ko siya dahil ‘lagi kaming magkasama? Kung ganoon nga ‘yon, paano ‘tong nararamdaman ko? Hindi na ba ‘to pagmamahal? Hindi alam ng kapatid ko ang pinagsasabi niya. Masyado pa siyang bata.'

Nang dumating sila, nagpaalam si Toni sa dalawa. Ngumiti si Anzu sa kaniya habang binigyan siya ni Aris ng tipid na pagtango. Ngumiti si Toni sa kaniyang sarili habang pinanonood na pumasok sa eskwela ang dalawa.

'Tunay ngang lumaki sila nang mabuti, Ma’am Hana. Hindi mo na kailangang mag-alala.'

Si Aris ay nasa kaniyang 90's na, habang si Anzu ay nasa kaniyang 80's. Namatay ang kanilang ina na si Hana Akuma, tatlong taon na ang nakararaan dahil sa kaniyang edad. Hindi na siya makapagpapatuloy pa sa buhay dahil siya ay isang simpleng tao lang.

Nagsimulang mag-aral ang magkapatid tatlong taon na ang nakararaan bilang mga high school students, mga mag-aaral na may gulang na disi-sais at disi-otso anyos. Walang nakakaalam tungkol sa kanila, na kalahating tao at kalahating demonyo sila, maliban kay Toni at iilang tao na pinagkakatiwalaan nila.

Kumpara sa kanilang ama, maaari silang mabuhay bilang normal na tao. Maaari nilang hawakan ang mga bagay na buhay nang hindi ito nalalanta o nama/matay. Ang dalawang bagay na namana nila sa kanilang ama ay ang epekto ng liwanag ng araw sa kanilang lakas at emosyon, at ang kakayahan nilang mabuhay ng mas matagal kaysa sa mga karaniwang tao. Maaari silang mabuhay ng isang siglo nang hindi nagmumukhang matanda.

Iyon pa lamang ang nalalaman nila tungkol sa kanilang sarili matapos mabuhay nang siyam na pung taon. Hindi nila alam kung ano pa ang iba nilang kahinaan.

"Anzu! Aris!" sigaw ng isang babae na may mahaba at makintab na buhok. Agad niyang niyakap si Anzu at hinagkan sa pisngi si Aris.

"Mae, kumusta ka na?" tanong ni Anzu.

"Okay lang ako, Anzu." Humarap siya kay Aris na may ngisi sa mga labi. "Aris, kumusta ka na? Still grumpy as ever, huh?

Kumunot ang noo ni Aris. "Shut up!"

"Ouch! Anzu, totoong kapatid mo ba siya? Ang layo niya sa iyo! Mula sa mukha hanggang sa ugali. ‘Tapos nakakatakot pa ‘yong itsura niya," sabi ni Mae. 

Upang hindi na marinig pa ang pang-aasar nito ay si Aris na lang ang umalis at iniwan na ang magkaibigan. Baka mahuli pa siya sa klase kung mananatili siya roon. 

Talagang hindi niya gusto ang babae na iyon! ‘Ngayon, naiintindihan ko na kung bakit hindi gusto ni ama si tito Momo noon. Parehong-pareho sila ng anak niyang si Mae. Sobrang nakakapikon. Tsk.'

"Mae, hindi mo dapat sinasabi iyan kay ate! Alam mo, sweet naman ang ate ko. Hindi lang din talaga palangiti kaya napagkakamalang masungit. At saka, ayaw niya nang inaasar siya.” Nag-wink pa siya sa kaibigan niyang ngayon ay hindi na maipinta ang mukha.

"Sweet? Anong kabalbalan ang pinagsasabi mo?"

"Naku, Mae! Mahiyain lang din talaga siya, iyan lang iyon!" sabi ni Anzu. "Tara na nga! Malapit nang magsimula ang klase!" Hinila niya ang kaniyang kaibigan papunta sa kanilang silid-aralan.

Si Anzu at Mae ay magkasama sa klase at matagal nang magkaibigan. Magkakilala sila mula noong ipinanganak si Mae. Naroroon si Anzu noong isilang ito at ang nakatatandang kapatid nitong si Minami. Alam din nila ang tungkol sa kalagayan ng magkapatid, ang mga bagay tungkol sa dem/onyo, tulad ng kanilang ama.

Hindi iyon naging hadlang para sa kanilang pagkakaibigan, kundi lalo pa silang naging malapit dahil dito. Itinago nila ang kanilang katauhan mula sa iba habang sila ay namumuhay sa lupa.

Pagkatapos ng klase, nagdesisyon si Aris na dumalaw sa tindahan nina Momo. Si Anzu at Mae ay lumabas para mag-shopping, at iniwan si Aris. Wala siyang ibang choice. Pwede rin naman siyang sumama sa kanila at magbuhat ng mga dala nilang gamit o umuwi na lang at walang gawin. Mas pipiliin niya ang huling pagpipilian.

"Oh! Aris, nandito ka pala. Pasok ka," bungad ng dalagang katulong.

Siya ang nag-aalaga ng tindahan ng mga bulaklak matapos mamatay ang asawa ni Momo. Si Momo ay kaibigan ni Hana mula pa noon. Hindi na ito makapagtrabaho ngayon dahil siya'y masyado nang matanda. Makikita lamang siyang nakaupo sa rocking chair, nakatingin sa malayo na parang may kakaibang nakikita.

Pumasok siya sa tindahan at nagtungo sa hardin kung nasaan si Minami, ang nakatatandang kapatid ni Mae, na kasalukuyang namimitas ng mga bulaklak. Siya'y bente otso na ngunit patuloy na nagtatrabaho sa tindahan ng kaniyang ama. Sabi niya, hindi pa siya nagnanais na mag-asawa dahil kinakailangan niyang alagaan ang kaniyang pamilya. 

Tumingin si Minami kay Aris na ngayon ay masusing binabantayan ang bawat kilos niya. Napangiti si Minami bago inilagay ang basket na may lamang mga bulaklak. Sumandaling napatigil si Aris, nagmamasid pa rin sa kaniya, hanggang sila'y magkaharap nang tuluyan.

"Anong ginagawa mo rito?" tanong niya habang tinitingnan ang likod ni Aris. "Naaan na si Mae at ang kapatid mo? Shopping na agad, first day of school?" Tumawa siya.

"Ahm… parang ganoon nga," sabi nito.

Naupo sila sa isang bakanteng bench. Pareho silang nagmasid sa magagandang bulaklak na tumutubo sa hardin. Kilala ang pamilya nina Minami sa kanilang tindahan ng mga bulaklak kaya't natural lang na may sariling hardin sila rito. Mahal ng kanilang pamilya ang mga bulaklak, tulad ng pagmamahal nina Aris at Anzu sa mga ito. Ang kinaibahan lang ay hindi nila sinubukang magtayo ng sariling tindahan upang makipagkompitensya.

"Hindi mo talaga sila masisisi. Mga teenager pa rin sila," ani Minami sabay tawa. "Bagamat, hindi na teenager si Anzu. Hayaan mo na lang sila."

Kumunot ang noo ni Aris sa sinabi niya. "Ano 'ng ibig mong sabihin?"

Tiningnan siya ni Minami. Nang ma-realize niya ang tinatanong nito ay mas natawa siya. "Hindi iyon ang ibig kong sabihin, Aris. Huwag kang masyadong seryoso," biro niya habang tinatapik ang balikat ng dalaga.

"Eh, ano nga ang ibig mong sabihin? Iniinsulto mo ba kami?" aniya, nababahala sa kung saan nag-uugat ang usapan. Hindi siya galit kay Minami, galit siya dahil siya'y isang anak ng dem/onyo.

"Hindi! Hindi, Aris. Huwag mong gawing big deal. Wala lang iyon," sabi niya na may pag-aalala. Wala talaga siyang ibig sabihin sa mga sinabi niya. Gusto niya lang magkaroon ng kaunting asaran noong mga oras na iyon, ngunit hindi ito nagtagumpay. Sensitibo si Aris pagdating sa kaniyang sarili at sa kung ano siya.

"Sabihin mo nga sa akin. Ipaliwanag mo sa akin. Iyon ba ang dahilan kaya mo palaging tinatanggihan ang alok ko? Dahil ba isa akong dem/onyo?" tanong niya.

Sa pagkakataong ito, natameme si Minami. Namutla siya sa tanong ni Aris at hindi makahanap ng tamang salita na sasabihin. Hindi ito ang unang pagkakataon na nauuwi sila sa ganitong usapan, ngunit batay sa hitsura ni Aris, mas galit siya ngayon.

"Ilang taon na ba? Limang taon? Sampung taon? Pero palagi kang nagsasabi na ayaw mong mag-asawa. Dinadahilan mo lang ‘yon, 'di ba?"

"Hindi, hindi 'yon. Wala akong plano pa. Sana maintidihan mo—" Nasira ang kanilang usapan nang biglang sumigaw si Mae at si Anzu na puno ng tuwa.

"Ate Minami! Nandito na kami!" sigaw ni Anzu.

"Ate!" tawag ni Mae.

Lumabas si Aris mula sa hardin at sumakay sa taxi. Hindi niya talaga alam kung bakit siya ganito ka-frustrated sa bagay na iyon. Madami nang beses siyang umamin noon at palaging tinanggihan. Sa halip na sumuko, gusto pa rin niyang magpatuloy.

Ngunit ngayon, iba na. Gusto niyang tigilan ang kalokohan na ito bago pa ito lumala. Gusto niyang mahalin ang kaniyang sarili mula ngayon. Hayaang maramdaman ang buhay. Matagal na siyang nabubuhay ngunit hindi niya matandaan kung kailan siya huling ngumiti nang totoo.

Nang dumating siya sa mansyon, dumeretso siya patungo sa kwarto ng kaniyang ama at kumatok. Ito na ang totoong gusto niya sa nakalipas na mga taon. Maraming beses nang inalok sa kaniya ng kaniyang ama na magtrabaho sa isang negosyo, ngunit siya lamang ang palaging tumatanggi.

"Pasok ka."

Binuksan niya ang pinto at nakita ang kaniyang ama na nakaupo sa kama habang nagbabasa ng aklat. Ngumiti ito nang makita ang kaniyang anak na unti-unti nang lumalapit sa kaniya. Ito ang unang beses na pumasok siya sa kwarto nang walang kasamang Anzu kaya't medyo naiilang siya.

"Anong meron at napadalaw ka, anak? Nasaan ang kapatid mo?" tanong ni Vivi.

Hindi talaga sila madalas mag-usap ng kaniyang ama. Mas malapit at mas open siya sa kaniyang ina. Ngayon na mag-isa siya kasama ang kaniyang ama, naging awkward ang paligid.

"Uhmm... tungkol sa negosyo, dad," nahihiyang sagot niya.

Nagkamot ng ulo si Vivi. "Ano tungkol sa negosyo?"

"Ah... alam mo na. Madalas kong iniisip iyon sa loob ng ilang taon. Sa tingin ko, ngayon na ang tamang panahon para... alam mo na," aniya, medyo nakanguso pa ang kaniyang mga labi.

Nagliwanag ang mukha ni Vivi nang maunawaan niya kung ano ang ibig sabihin ng kaniyang anak. "Ibig mong sabihin, tinatanggap mo na ang trabaho na inaalok ko sa iyo 50 years ago?" tanong niya kahit halata naman ang sagot.

"O-o, ganoon na nga."

"Bakit mo pa ba tinatanong?" tanong nito habang bumabalik sa libro na binabasa.

"Huh? Eh, kasi, wala pa bang iba na nag-apply sa posisyon? Baka may kumuha na."

Tumawa si Vivi sa takot na boses ng anak niya. "Hindi pa, anak. Buhay pa rin ang trabaho, at ilang taon ka na ring hinihintay ng posisyon. Ikaw lang ang palaging tumatanggi."

Napangiti si Aris dahil sa balita. Hindi pa huli ang lahat. At least, wala pang ibang nakakakuha at siya pa rin ang gusto ng ama sa posisyon. 

Binigyan niya ng tapik sa balikat ang kaniyang ama, ngunit hindi kontento ang ama sa ganoon lamang. Kinandong niya ang kaniyang anak at binigyan ng mainit na yakap.

"A-Ama! Tsk. Hindi na ‘ko bata."

Tumawa si Vivi sa sinabi niya at binitiwan siya. “Para sa ‘kin, bata ka pa rin. 90 years old ka pa lang.”

“Tss. Ang sabihin mo. Masyado ka nang matanda.”

“Anong sabi mo?”

Nagtawanan sila matapos ‘yon. Ngunit hindi mapigilang mapaisip ni Vivi tungkol sa desisyon ng kaniyang anak. Bakit ngayon lang ito pumayag? At bakit ngayon pa sa lahat ng oras? May mga kaibigan na ito rito kasama si Anzu. Kung tatanggapin niya ang trabaho, aalis siya sa mansyon na ito at titira mag-isa sa malayo.

May mali ba?

Kinabukasan, inistorbo ang pagtulog ni Aris ng isang nakakainis na sigaw mula sa kaniyang kapatid. Agad na pumasok si Anzu sa kaniyang kwarto nang hindi man lang kumakatok. Dinaganan nito ang ate niya habang umiiyak. 

"Ate, you idiot!" bulalas niya.

Naningkit ang mga mata ni Aris mula sa pagkakatulog at tiningnan ang kaniyang kapatid. "Ano na namang problema, Anzu?" tanong niya nang may kaunting inis sa boses. Sanay na siya rito, ngunit hindi pa rin niya mapigilan ang mairita sa malakas na boses niya.

"Ikaw! Bakit tinanggap mo na 'yon?" tanong niya, habang pinupunasan ang mga luhang tumutulo mula sa kaniyang mga mata. "Alam mo bang magkakahiwalay na tayo kung tatanggapin mo 'yon? Alam mo ba 'yon, o sadyang tanga ka lang?" 

Pinalis ni Aris ang luha ng kaniyang kapatid. Hinaplos niya ito bago sumagot, "Anzu, intindihin mo rin naman ako. Ginawa ko 'to dahil alam kong hindi tayo magkakaroon ng habambuhay na buhay. Oo, mas matagal tayong mabubuhay kaysa sa mga tao, pero sinabi ni ama na puwede pa rin tayong mam/atay nang hindi natin alam kung kailan."

"P-pero—"

"Anzu, pakinggan mo ‘ko. Opportunity ito para maging tao ako, para maging kagaya ng ibang tao. Hanapin mo rin ang gusto mong gawin. Ga-graduate na ako sa kolehiyo rito kaya kailangan kong humanap ng trabaho. Ganiyan talaga ang takbo ng buhay natin."

Napalunok si Anzu. Tama nga siya. Alam ni Anzu 'yon. Kailangan talaga ng kaniyang kapatid na hanapin ang isang bagay na interesado siyang gawin. Puwede niyang gawin iyon noon pa, pero hindi niya ginawa. Pinili niyang manatili kasama ang kaniyang kapatid hanggang ngayon. Ngayon pa lang ito nagkaroon ng interes na magtrabaho at lumayo mula sa mansyon. Hindi pa niya ito nagagawa dati.

"Oo, naiintindihan ko na. Hindi na kita pipigilan, pero may isang kondisyon," sabi ni Anzu.

"Anong kondisyon 'yon?"

"Mag-dinner tayo sa bahay ni Mae," aniya.

Biglang napatigil si Aris nang marinig iyon. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin o kung paano siya magre-react sa sitwasyon na iyon. Isa si Minami sa mga dahilan kung bakit niya ito ginagawa, pero paano siya makakahindi sa kapatid niya? Hinaplos niya ang ulo ni Anzu at ngumiti.

"Sige, gawin natin iyon. Kailangan ko lang ayusin ang sarili ko. Hintayin mo ako sa labas," aniya.

Naglakad palabas si Anzu na masayang-masaya. Alam na niya na darating ang araw na ito kaya't maaga pa lang, naghanda na siya. Bagamat hindi niya inaasahan na magiging ganoon kaaga ito.

"Mang Toni, maghanda ka na po ng sasakyan. Sasamahan ko si Ate Aris papunta sa bahay ni Mae," sabi niya habang kinakausap si Mae sa telepono tungkol sa dinner.

"Opo, Ma’am Anzu."

Matapos niyang malaman ang pasya ng ate niya, agad niyang sinabi ang planong dinner kay Mae. Hindi siya masaya sa balita, pero hindi siya papayag na ito na ang huling pagkakataon para makakain sila nang sama-sama.

Kakausapin niya sina Mae at Minami tungkol sa kaniyang kapatid at sa negosyo pagkatapos ng hapunan. Ayaw niyang maging malungkot ang kanilang gabi. Kailangan lang niyang hanapin ang tamang pagkakataon para sabihin sa kanila.

"Ma’am Anzu, handa na po ang sasakyan."

Napanguso si Anze. Lumipas na ang kalahating oras, ngunit hindi pa rin lumalabas ang kaniyang kapatid. Binago na niya ang suot niyang damit at malapit nang mag-alas-otso ng gabi. Kaya naman tumayo na siya at pinuntahan na ang kapatid sa kwarto nito.

"Ate!" sigaw niya habang kinakalampag ang pinto.

Nagbukas ito kaagad. Lumabas ang kaniyang kapatid na naka-plain shirt at pantalon na may kaunting punit. Naglalakad ito nang may tsinelas, hindi pa nga inaayos ang buhok. Mukhang bagong paligo dahil basa pa ito.

"Sorry, Anzu. Nakatulog ulit ako nang hindi ko namamalayan," sabi nito na parang inaantok pa. 

Hinigit na ni Anzu ang ate niya sa kwelyo at hinila ito pababa ng hagdan.

"Alam ko naman na mangyayari 'yan! Halika na, naghihintay na sila sa atin. Tamad!" sigaw niya. 

"Okay. Okay. Pasensiya na," bulong niya.

Napabuntonghininga si Anzu at saka itinutok ang kaniyang tingin kay Aris. Talaga namang hindi niya alam kung ano ang gagawin sa kapatid. Ang lahat sa paaralan ay natatakot sa kaniya dahil sa kaniyang presensya at mga tingin, pero sa totoong buhay, isa siyang tanga at tamad na nilalang.

Talaga namang hindi niya maintindihan ang mga estudyanteng natatakot dito. May mga lalaki pa nga na nagkakagusto sa kaniya. Ano bang maganda sa kapatid niya? 

"Anzu!" bati ni Mae kay Anzu habang niyayakap siya nang mahigpit.

Nagmasahe na lang si Aris ng kaniyang noo dahil sa ingay nilang dalawa. Kahit na panoorin niya lang ang dalawa ay nauubos na ang kaniyang lakas. Pareho silang puno ng enerhiya palagi.

Pumasok sila at nakita ang maayos na hapag-kainan. Naupo ang magkapatid at naghintay para kay Minami at sa katulong. Hinanda na nila ang hapunan para sa gabing iyon nang malaman nilang kakain ang dalawang magkapatid rito. Nagluto sila para sa halos walong tao kaya't maraming pagkain sa kanilang harapan.

"Wow! Mukhang masarap! Si Ate Minami po ba ang nagluto nito?" tanong ni Anzu habang kinikilig. Nangingilid na ang kaniyang laway sa dami ng pagkain sa harap nila.

"Oo. Noong nag-text ka, nagluluto na sila.”

"Na-miss ko ang luto ni Ate Minami! Alam kong mami-miss ‘to ni Ate Aris nang sobra.”

Nagtaas ng kilay si Mae. "Anong ibig mong sabihin?" tanong niya.

Bago pa siya makasagot, dumating na si Minami at ang katulong. Naupo na silang lahat sa harap ng mesa at nag-umpisang kumain, mag-usap, at magtatawanan dahil sa mga biro nina Mae at Anzu.

Nang matapos sila, pumasok sila sa dining room kasama si Momo. Nagpatuloy sila sa pag-uusap hanggang sa nauwi ang usapan kay Aris.

"May sasabihin ang kapatid ko," ani Anzu.

Inirapan ni Aris ang kaniyang kapatid.

"Ano iyon?" tanong ni Mae.

"Ahm, actually," sabi niya. "Ito ang gusto ni Anzu. Ang mag-dinner tayo bago ako umalis."

"Bago ka umalis? Saan ka pupunta?" sabi ni Minami na halatang kinakabahan.

"Tinanggap ko na ang alok ni ama na magtrabaho sa New York. Mawawala ako nang matagal," sagot niya, binigyang-diin ang salitang 'matagal', at tiningnan ang reaksyon ni Minami.

"N-new York?" bulong ni Minami na halos hindi marinig.

"Pero malayo iyon dito, ate!" halos sigaw ni Mae.

"Alam ko, pero matagal ko na itong pinag-isipan. Sa tingin ko, ito na ang tamang panahon para kunin ang oportunidad."

Pagkatapos sabihin iyon, niyakap siya nang mahigpit ni Anzu at Mae. Tulad ng dati, umiyak si Anzu. Ang kaniyang kapatid ang paing-uusapan nila na mawawala. Siguradong magbabalik siya sa bahay, ngunit hindi malinaw kung kailan o gaano kadalas.

Nagtagal sila ng isang oras bago nagpasya na umuwi. Pero bago iyon, nais ni Minami na kausapin siya sandali.

Nagbalik sila sa hardin. Pareho silang tahimik at walang balak mag-usap hanggang sa natagpuan ni Minami ang kaniyang boses.

"Tinanggap mo na pa. Good luck," ani Minami.

"Salamat."

"Alam mo, iniisip ko na rin na mangyayari ito. Hindi ko lang ine-expect na ganito kabilis."

"Nabuhay na rin ako nang 90 years. Napakatagal na rin."

"Siguro nga..."

Kinagat ni Minami ang kaniyang labi. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Alam niyang galit siya, ngunit wala siyang magawa. Hindi niya rin ito mapipigil dahil wala siyang karapatan na gawin iyon.

"Ano ba talaga ang nais mong sabihin?” tanong ni Aris. “Kailangan ko nang umuwi para asikasuhin ang mga bagay-bagay lalo na ang mga dadalin ko," aniya na may kasamang lamig sa tono.

"Oo! Tama ka, pasensiya na," ani niya. "G-Gusto ko nga sanang pigilan ka, eh."

Napunta ang tingin ni Aris sa kaniya, nagulat sa mga sinabi niya.

"Pero wala akong karapatan na gawin iyon..."

"Mayroon," pagpigil niya. "Sabihin mo lang at hindi ako aalis."

"Hindi pwede. Ito ang gusto mo. Alam ko. Hindi ko kayang pigilan ka sa mga bagay na nais mo," aniya. Tiningnan niya ito sa mga mata habang pilit na ngumingiti.

"May tanong ako bago ako umalis," sambit ni Aris.

"Ano iyon?"

"Bakit mo ako gustong pigilan?"

Nanatiling tahimik si Minami, hindi nagulat sa tanong. Inaasahan na niya ito. "Dahil gusto kong manatili ka sa tabi ko." Namula ang mga pisngi niya.

Napaawang ang bibig ni Aris. "A-anong—?"

"Oo, natatakot ako sa ‘yo. Pero hindi dahil sa isa kang dem/onyo, kundi dahil alam ko kung gaano ka kalungkot nang mamatay si tita Hana. Gagawin ko lang din ‘yon sa ‘yo. Iiwan lang din kita dahil isa lang akong tao."

"Ayaw mo ‘kong malungkot?!" sigaw niya. "Hindi mo ba alam kung gaano ako kalungkot simula noong tinanggihan mo ako? Alam mo ba iyon? Wala akong pakialam! Gusto ko lang ay makasama ka, iyon lang."

Wala ni isa sa kanila ang nagtangkang magsalita matapos n’on. Pagkatapos nilang ilabas ang lahat ng mga salitang gustong sabihin ay pareho silang napangiti.

"Bago ako umalis, may isang bagay akong nais na tanungin," aniya. Nagkasalubong ang kilay ni Minami.

"A-ano iyon?"

"Will you come with me to New York?"




Post a Comment

0Comments

Post a Comment (0)

#buttons=(Accept !) #days=(20)

Our website uses cookies to enhance your experience. Check Now
Accept !