Hold You Again (Freenbecky)

Precious Jasmin
0


Rebecca

"Check her BP, again. The vital signs? Place the oxygen, please."

Naririnig ko sila. Ang boses ng doktor, na kung hindi ako nagkakamali, ay sinusubukan akong buhayin. Nararamdaman ko ang kaba ng lahat ng mga tao sa paligid ko. Sinusubukan nilang buhayin... ako?

Pero namatay ba ako? Ano ba talaga ang nangyari sa akin? Ano ang ginagawa ko rito? Ano ang ginagawa ko rito sa kama, sa ospital? Gusto kong itanong sa kanila, pero hindi ko mahanap ang aking boses. Ni hindi ko maigalaw ang mga kamay ko o maidilap man lang ang mga mata ko.

Biglang bumalik sa ‘kin ang mga nangyari. Sumasakit na ang ulo ko sa kinatagalan. Ang mga huling alaala na kasama ko siya. Mas lalong sumakit ‘yon nang unti-unting bumalik sa ‘kin ang mga nangyari at ang huling sandali na magkasama kami.

Ako at ang supreme leader. Ang aming huling laro, ang aming huling pag-uusap... at ang kaniyang huling hiling.

Francine...

Mabagal ang naging pagbukas ng aking mga mata. Narinig ko ang kanilang buntonghininga na para bang nabunutan sila ng tink sa lalamunan. Ramdam ko ang kanilang ngiti sa mukha. Lahat sila'y huminto at pinuri ang doktor. Tila masaya sila na ako'y nagising... at buhay.

Bakit?

Bakit buhay pa ako? Sa pagkakaalam ko, namatay ako kasama si Francine. Naroon ako nang namatay siya dahil sa apoy at sa kapal ng usok. Binantayan ko siya hanggang sa tuluyan niyang isinara ang kaniyang mga mata.

Hindi na siya humihinga bago pa ako nawalan ng malay. Nailigtas ba siya ng mga doktor gaya ng ginawa nila sa ‘kin? Nagawa ba nilang patibukin ulit ang puso niya? O baka naiwan siya sa loob ng building na ‘yon?

Posible bang nabuhay rin siya at nailigtas kagaya ng ginawa nila sa ‘kin? Pero nasaan siya? Gusto ko siyang makita!

"Rebecca?"

Lumingon ako sa pinto at naramdaman ang presensiya ng isang babae na lumalapit sa akin. Umiiyak siya at hindi ko alam kung bakit. Baka dahil buhay pa ako. Siguro masaya siya na buhay ako samantalang ako, hindi ko alam kung magiging masaya ba akong buhay pa ako.

"Okay ka na ba ngayon, Rebecca? May nararamdaman ka pa bang sakit? Sabihin mo lang sa akin. Uhaw o gutom ka ba? Sabihin mo at gagawin ko ang lahat para sa 'yo,” tanong niya nang hindi man lang humihinto.

Hindi ko pinansin ang kaniyang unang tanong at nabaling ang atensiyon ko sa kaniyang huling pahayag.

"Kahit ano?" tanong ko nang may bahagyang pagpiyok pa dahil nanunuyo ang lalamunan ko.

Binaling ko ang ulo ko sa kaniya na para bang nakikita ko talaga siya kahit hindi naman. Parang isang siglo na ang lumipas mula nang ako'y magsalita. Mas maganda na ang pakiramdam ko. Medyo uhaw nga ako, pero ito muna ang nais kong itanong. Masaya rin ako na nandito siya sa aking tabi.

"Oo, kahit ano, anak.” Mas lalong naiyak si mama sa hindi malamang dahilan.

Ngumiti ako dahil sa kaniyang sinabi. Kahit na hindi ko siya makita, nadarama kong ngumingiti rin siya. Nakakawala rin ng kalungkutan na wala namang nangyaring masama sa kaniya. Siya lang ang kamag-anak na meron ako.

"Pwede ko bang kausapin si Francine?"

Hindi agad siya nakapagsalita. Oh! Hindi nga pala niya kilala si Francine o ang mga kasamahan nito. At tiyak akong hindi siya sasang-ayon kapag sinabi kong mga kaibigan ko sila.

Pero naiintindihan ko. Hindi naging maganda ang unang impresiyon niya sa kanila. Afterall, kinidnap nila ako para sa pera. Pero walang kaso ‘yon sa ‘kin. Naiintindihan ko kung bakit nila ‘yon nagawa.

"Francine? Sino 'yon? Mag-isa ka raw nang natagpuan ka ng mga rescuer na walang malay sa gusali. Mukhang tumakas ang mga kasama mo roon at iniwan kang mag-isa."

Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Mag-isa raw ako? Pero si Francine, tahimik na natutulog sa kandungan ko. Siya ang nakahiga sa kandungan ko bago ako nawalan ng malay. At ngayon, bakit sinasabi sa akin ni mama na mag-isa ako?

"Ma, kasama ko ang lider noong mga oras na 'yon. Ang pangalan niya ay Francine. Siya ang unang nawalan ng malay sa ‘min kaya imposibleng makaalis pa siya."

"Rebecca, sa tingin ko ay ilusyon lang 'yon. Wala kaming nakitang iba kundi ikaw sa lugar na 'yon. Miski ang mga lalaking dumakip sa ‘yo ay wala na roon. Iniwan ka nila sa gusaling ‘yon nang mag-isa. Mabuti na lang at mabilis na umaksyon ang mga rescuer dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kapag may nangyaring hindi maganda sa ‘yo.”

Hindi ako nagsalita.

“Kailangan mo pang magpahinga, anak. Sabi ng doktor ay maaaring ma-trauma ka sa nangyari."

Pagkasabi niya n’on, parang napahinto ako. Napatulala ako at nawala sa sarili.

Ilusyon lang ba 'yon? Hindi totoo? Hindi ko maintindihan. Hindi ako iiwan ni Francine doon nang mag-isa. Hindi siya ganoong klase ng tao. Dinakip nila ako para sa pera, ngunit wala silang balak na saktan ako.

Hindi ko na alam kung ano ang dapat kong paniwalaan ngayon. Kailangan kong makita at makausap si Francine para malinawan ako. Pero kung hindi siya nakita ni mama sa lugar na ‘yon o ng kahit na sinong rescuer, paano ko siya hahanapin? Ni hindi ko alam kung saan siya nakatira. Ni hindi ko alam kung ano ang apelyido niya o kung Francine ba talaga ang totoong pangalan niya.

And now I’m starting to doubt, baka hindi totoo ang pinakita niya sa ‘kin noong mga oras na kasama ko sila. Baka ginawa lang nila ‘yon para hindi ako gumawa ng kung anong ayaw nila.

Ngunit may parte pa rin sa ‘kin na naniniwala kay Francine.

"Rebecca, sabi ng doktor, pwede niyang mapagaling ang mga mata mo. Maaari ka nang makakita ulit."

Ngumiti ako sa isiping iyon. Makakakita na ulit ako. Noong bata ako, gustong-gusto ko nang makakita, 'yon ang isa sa mga panalangin ko.

Pero bakit pakiramdam ko, hindi ko dapat ito gawin ngayon? Bakit mayroong bahagi sa akin na hindi nais na bumalik ang aking paningin? Bakit ganito ang nararamdaman ko? Gusto ko munang mag-isip.

"Hindi ko alam, ‘Ma. Gusto ko munang magpahinga."

"Okay. Iiwan muna kita at hahayaan kang magpahinga. Sabihan mo lang ako kapag may kailangan ka."

"Opo. Salamat, Ma."

*

"Rebecca, handa ka na ba?"

"Opo, Ma!"

Hinigpitan ko ang hawak sa aking walking stick. Sobrang excited ako na hindi ko alam kung ano ang gagawin at paano ito ipapakita.

Dumating na ang araw na hinihintay ko. Lalaban na naman ako gamit ang talento ko sa paglalaro ng Chess. Gagawin ko ang lahat para manalo sa patimpalak na ‘to. Isang taon din akong nawala. Tiyak na maraming magagaling na naman ang sumali. Kailangan kong ihanda ang sarili ko.

Matapos ang nangyari sa ‘kin, pinangako ko sa sarili ko na magpapatuloy ako. Gusto kong magpatuloy sa buhay ko nang para bang walang nangyari. Gusto kong ituloy ang aking buhay. Handa akong isugal ang aking buhay sa paglalaro ng Chess, iyon ang plano ko.

At ngayon, ito na ang simula ng lahat.

Tulad ng karaniwang ginagawa ko, kasali ako sa bawat division at nananalo sa lahat ng mga ito. Palagi akong sumasali sa kompetisyon taon-taon, pero hindi ako nakapaglaro noong nakaraang taon dahil sa nangyari.

At ngayon, papunta na ako sa arena kung saan ginaganap ang kompetisyon. Wala akong ideya kung sino ang nanalo noong nakaraang taon, pero naririnig ko na newbie lang daw siya, kaya hindi ko pa siya nakikilala.

Sana makalaro ko siya sa kompetisyon na ito. Natutuwa ako nang malaman kong newbie lang siya at nakaabot pa sa dulo. Hindi lang iyon, nanalo pa siya. Alam ko kung gaano kagagaling ang mga sumasali, at taon-taon, pahusay sila nang pahusay dahil na rin sa karanasan.

"Susunduin kita mamaya, Rebecca. Pasensya na at hindi ko mapapanood ang buong programa. Alam mo naman kung gaano ako ka-busy dahil sa mga araw na pinagliban ko."

"Okay lang 'yon, Ma. Alam ko iyon at nauunawaan ko. Ingat ka sa biyahe, ha? Sabihin mo na lang sa mga kaibigan mo na okay na ako. Salamat!"

"Oh sige, aalis na ako. Good luck sa laro mo!"

Umalis siya nang makapas ako. Kabisado ko na ang lugar kaya alam ko na kung saang room ako. Ramdam ko ang kanilang tingin sa akin, pero pinabayaan ko na lang at nagpatuloy sa paglalakad. Pagpasok ko sa waiting room, muli nila akong tinitigan. Hinigit ko ang isang upuan na malapit sa akin.

Naramdaman ko ang isang presensiya sa kaliwang side ko. "Hi, Rebecca! Sobrang saya na makilala ka in person. Hindi ako nagka-chance na makilala ka noong nakaraang taon, pero masaya ako na narito ka ngayon."

Nang marinig ko ang kaniyang boses, napakurap ako. Iyon ang boses niya! Parehong boses na narinig ko noong una niyang kausapin ako sa building na ‘yon. Hindi ako pwedeng magkamali. Siya nga iyon. Ang unang babae na minahal ko. Magsasalita na sana ako nang magpatuloy siyang magsalita.

"Sana makalaban kita ngayong taon. Alam mo, talagang inaabangan ko iyon dahil hindi tayo nagkita noong nakaraan. Curious din ako kung bakit hindi ka pumunta noong nakaraang taon."

Pinili kong manahimik kaysa sagutin siya. Hindi. Mali ako. Masyado siyang masayahin para kay Francine. Masyado siyang madaldal para kay Francine. Hindi siya iyon. Tiyak na hindi, dahil patay na siya.

"H-hold on! Umiiyak ka ba? May nasabi ba akong nakasakit sa 'yo? Pasensiya na talaga."

Sinubukan niyang hawakan ako, pero ngumiti na lang ako sa kaniya. Anong nangyayari sa akin? Noon, madaldal ako. Anong nangyari sa akin? Bakit ako nagkakaganito?

"Okay lang ako. Wala kang kasalanan. Naalala ko lang ang isang tao na hindi ko dapat iniisip. ‘Wag mo masyadong problemahin." Napagtagumpayan kong sabihin sa kaniya.

Hinaplos niya ang aking ulo. Hindi ko alam kung paano ako magre-react. Ano'ng problema niya? Parang masyado siyang malambing para sa isang estranghero. Itatanong ko na sana ang kaniyang pangalan nang biglang narinig namin ang speaker na nag-aabiso na dapat mag-assemble na ang lahat ng mga kalahok sa gitna ng arena.

"Here. Hayaan mong tulungan kita." Hinawakan niya ako sa braso upang tulungang tumayo.

"Salamat."

Tinulungan niya akong maglakad hanggang sa makarating kami sa Center. Hindi niya ako iniwang mag-isa. Hawak niya ako sa braso hanggang sa makapasok kami dahil siksikan sa loob. Medyo mainit din ang paligid kahit na may AC dahil na rin sa dami ng tao.

Matapos ang saglit na pahinga, nagsimula na ang kompetisyon. Lahat kami ay umupo sa aming mga lugar kung saan naroroon ang aming mga kalaban. Ganoon din ang ginawa ko.

Nang matanggap namin ang signal na magsimula, huminga ako nang malalim. Dahil wala akong makita ay kailangan naming banggitin kung saan ilalagay ang chess pieces. Hindi naman ‘yon naging mahirap dahil isa ‘yon sa mga basic na kailangang matutunan ng mga naglalaro sa professional.

Maganda ang takbo ng kompetisyon. Lahat ng mga kalahok ay naka-focus. Nararamdaman ko rin ang tensyon sa hangin. Walang gustong matalo. At gayundin naman ako.

Isang taon ang ginugol ng bawat isa para sa isang araw na kompetisyong ito. Tiyak na puspusang training ang ginawa ng bawat isa para makuha ang titulo na isa lang ang makatatanggap taon-taon. Isang karangalan ang magwagi sa mga ganitong patimpalak lalo na sa mundo ng chess.

Pagkatapos ng mga laro, dumating ang finals. Umupo ako sa harap ng board game at naghintay para sa aking kalaban. Hindi ko alam, pero bigla akong kinabahan. Sumisikip ang dibdib ko at mabilis itong bumabalot sa buong katawan ko. Hindi ako makahinga nang maayos. Pero higit sa lahat, nararamdaman ko rin... ang kakaibang saya.

"Ang 2023 Chess tournament finals ay magsisimula na,” ani commentator. “Sino kaya ang magwawagi? Ang ating kampeon taon-taon?” Marami ang pumalakpak nang banggitin ang pangalan ko. “O ang newbie na kampiyonato noong nakaraang taon?"

Hindi ko na masyadong pinansin ang speaker dahil narinig ko na ito nang maraming beses. Hindi ko pinakinggan ang mga sigaw ng mga tao, ngunit focus ako sa aking kalaban. Nararamdaman ko siyang umuupo sa harap ko habang ako naman ay ngumiti sa gawi niya.

"Dumating na ang oras, Rebecca."

Ngumiti ako sa kaniya. Alam kong siya ang makakalaban ko. Nang magsimula ang patimpalak, nagdasal ako na siya ang makalaban ko, na siya ang makaharap ko sa labang ‘to dahil alam ko kung gaano siya kagaling. Hindi ko alam kung bakit gusto ko ring maglaro kasama siya pero... alam kong hindi ako magsisisi. Gusto kong maramdaman iyon ulit.

At nagsimula na ang laro.

*

"Congratulations! Alam kong mananalo ka na sa gitna ng laban natin,” sabi ng nakalaban ko sa finals. “Siguro marami pa akong dapat matutunan."

Tinapatan ko siya ng ngiti. Alam ko iyon! Alam kong magiging masaya ang laro. Nagpaalala ito sa akin ng mga panahong iyon. Noong kasama ko pa siya.

Nakaupo kami sa gilid ng kalsada malapit sa arena. Naghihintay lang ako kay mama na dumating nang mag-volunteer siya na maghintay kasama ako. Nag-usap lang kami tungkol sa mga bagay na pareho naming trip at nag-eenjoy ako. Parang natagpuan ko ang isang magandang kaibigan sa kaniya.

"Paano mo nagawa iyon?” tanong niya. “Nagawa mo pa ring maglaro kahit na cornered na kita. Ang galing mo talaga!"

"Hindi, hindi ako magaling. Marunong lang talaga.”

"Alam mo, hindi ko talaga maiwasang hindi mapaisip,” sabi niya. “Para kasing pamilyar ka. Parang nakita na kita dati pero hindi ko alam kung saan."

"Talaga? Baka masyadong common ang itsura ko kaya gan’on."

"Hindi ako sigurado."

"Sige, kailangan ko nang umalis. Baka naghihintay na ang mama ko sa parking space. Sobrang saya ng laro natin. Sana makapaglaro pa ulit tayo sa susunod kahit na hindi competition."

"Oo naman. Nabigay ko naman na sa ‘yo ang contact ko. Pwede mo akong tawagin kahit kailan mo gusto."

Pagkatapos n’on, nagkamayan na kami nang marinig ko ang boses ni mama.

"Rebecca?"

"Ma!"

"Tara na?"

"Opo, Ma," sabi ko. "Sobrang saya na makilala ka. At salamat din sa paghihintay kasama ko."

"Wala iyon. Masaya lang akong makapaglaro ulit kasama ka."

Napahinto ako saglit. Ano ang ibig niyang sabihin doon?

"Ulit? Wait, pwede ko bang malaman ang pangalan mo? Kilala mo ako pero ako, hindi kita kilala."

Narinig kong natawa siya. "Sa tingin ko, masaya ang tadhana na pinaglaruan tayo, Rebecca. Hindi ko alam kung bakit may mga alaala akong ganito, pero hindi ako nagsisisi na meron ako nito."

Mas lalong kumunot ang noo ko. "Ano ang ibig mong sabihin?"

"Malalaman mo rin. By the way, ako nga pala si Francine. Maligaya akong makita ka ulit."

Paborito ng tadhana ang maglaro sa buhay ng mga tao at gawing komplikado ito. Pero kung talagang itinadhana ang dalawang tao para sa isa't isa, sila pa rin ang magkakasama sa huli... kahit na gaano pa kayo katagal paglaruan ng tadhana.

All you have to do is be strong and enjoy playing with Destiny.


Post a Comment

0Comments

Post a Comment (0)

#buttons=(Accept !) #days=(20)

Our website uses cookies to enhance your experience. Check Now
Accept !